MANILA, Philippines – Simula sa Enero 10, 2016 ay ipatutupad na ng Commission on Elections (Comelec) ang election period at gun ban sa bansa para sa nalalapit na May 9 national and local elections.
Batay sa inisyung Resolution No.10029, nakasaad ang guidelines na susundin ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagbabantay ng mga ito ng Comelec checkpoint para sa gun ban.
Ayon sa Comelec, ang mga checkpoint ay dapat na maliwanag, kaagad na makikilala at binabantayan ng mga unipormadong personnel.
Sa paglapit, dapat na maging magalang ang team sa mga motorista at respetuhin ang lahat ng karapatan ng mga ito.
Mahigpit rin na ipinagbabawal ng Comelec sa mga awtoridad na pababain ng behikulo ang mga motorista at pinaalalahanan ang mga ito na tanging visual search lamang ang maaari nilang gawin sa behikulo.
Maaari namang gumamit ang mga ito ng flashlight sa pagse-search ngunit hindi na kailangan pang buksan ang pintuan ng sasakyan.
Pinaalalahanan din ng Comelec ang mga lawmen sa Constitutional rights na walang sinumang tao ang dapat isailalim sa physical o body search nang walang sapat na rason.
“The personnel manning the checkpoint cannot compel the motorists to open the trunk or glove compartment of the car or any package contained therein,” paalala pa ng poll body.
Ang pagtatayo ng isa o higit pang checkpoint sa mga istratehikong lugar sa bawat munisipalidad o lungsod ay bahagi ng gun ban na magtatagal hanggang Hunyo 8 lamang.
Pinaalalahanan rin naman ng Comelec ang mga pulis laban sa anumang uri ng pagso-solicit o extortion sa mga motorista.