Lolo naglayas natagpuang patay

MANILA, Philippines - Isang 74-anyos na lolo na naglayas sa kanyang bahay ang natagpuang isa nang bangkay sa ilalim ng isang tulay sa Valenzuela City, kamakalawa ng umaga.

Nakilala ang nasawi na si Pedro Mira, dating karpintero, at naninirahan sa No. 35 Tamaraw Hills, Marulas, naturang lungsod.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-6 ng umaga nang madiskubre ang wala nang buhay na si Mira sa loob ng isang barung-barong sa ilalim ng Tullahan Bridge.

Nabatid na naglayas sa bahay ng kanyang pamilya ang biktima at napadpad sa naturang lugar hanggang sa makipanuluyan sa barung-barong ng manga­ngalakal ng basura na si Emma Imaas na siya ring nakadiskubre sa wala nang buhay na biktima.

Dinala ni Imaas at ng kanyang kinakasama na si Renato Bastutin ang bangkay sa gutter sa ibabaw ng tulay ngunit napansin ito ng Traffic Enforcer na si Maricris Mejo na siya namang nag-ulat ng insidente sa pulisya.

Dinala na ang labi ni Mira sa Nateh Funeral Homes habang hinihintay ang mga kaanak nito. 

Show comments