Pag-’hoverboard’ ng pari sa misa wala sa lugar - Obispo

Humingi na ng tawad ang pari na nakita sa video na gumagamit ng “hoverboard” habang ito ay kumakanta sa dulong bahagi ng misa sa Biñan, Laguna.

MANILA, Philippines – “Wala sa lugar.”

Ito na lamang ang nasabi ni Archbishop Oscar Cruz tungkol sa isang paring nakita sa video na gumagamit ng “hoverboard” habang ito ay kumakanta sa dulong bahagi ng misa sa Biñan, Laguna.

Paliwanag ni Cruz sa DZMM, hindi naman niya hinuhusgahan ang pari, lalo’t hindi naman niya alam ang nag-udyok sa nasabing pari kung bakit naisip niya itong gawin.

Pero ani Cruz, kung titingnan sa “external forum” ay wala sa lugar ang paggamit ng hoverboard ng pari sa loob ng simbahan.

“Kung kaya ‘yung iba ‘yung magganoon sa loob ng simbahan, papayag siya? Pero siya okay lang,” sabi ni Cruz.

Dagdag pa ng arsobispo, para siyang napahiya nang makita ang paring nakasutana at nagho-hoverboard sa dulong bahagi ng misa.

Una nang sinuspinde si Rev. Fr. Falbert San Jose ng Our Lady of Miraculous Medal Parish sa Biñan matapos ang insidente.

Inanunsiyo ng diocese na pansamantalang tatanggalin si San Jose sa parokya upang mabigyan siya ng oras magnilay sa kanyang ginawa.

“The Eucharist demands utmost respect and reverence. It is the Memorial of the Lord’s Sacrifice. It is the source and summit of Christian life,” sabi ng parokya.

Humingi na ng tawad ang pari at nangakong hindi na ito uuliting muli, lalo’t naging “wake up call” umano sa kanya ang nangyari.

Ang insidente ay nangyari ilang linggo bago ang International Eucharistic Congress na gaganapin sa bansa.

Idinidiin ng kongresong ito ang kaha­lagahan ng Banal na Eukaristiya sa buhay Katoliko.

Show comments