MANILA, Philippines – Pinagbibitiw ng kampo ni Sen. Grace Poe ang tatlong mahistrado na miyembro ng Senate Electoral Tribunal (SET) sa paghawak ng kaso ng senadora matapos bumoto ang mga ito pabor sa kanyang disqualification.
Sa panibagong mosyon na inihain ng abogado ni Poe na si Atty. George Garcia, partikular na hiniling na mag-inhibit sina Supreme Court Justices Antonio Carpio, Teresita Leonardo de Castro at Arturo Brion.
Naniniwala si Garcia na na-prejudged na ang kaso sa isyu ng citizenship nito.
Matatandaang naghain ng motion for reconsideration si Rizalito David sa SC hinggil sa pagpabor ng desisyon kay Poe kaya inatasan ang SET at si Poe na mag-komento. Magsasagawa naman ng oral argument sa Enero 19, 2016 hinggil dito.
Nitong nakalipas na Lunes ay nagpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang SC upang hindi maipatupad ng Comelec ang naging kautusan na madisqualified si Poe at hindi masama sa balota.