MANILA, Philippines – Sa makabagong mundo ng cyberspace ngayon, maglulunsad ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) ng website para makapagbigay ng dagdag kaalaman, matutukan, at maituro upang mabawi ang mga yamang ninakaw umano ng mga Marcos, kabilang ang may 200 obrang likha ng mga bantog na pintor na pag-aari ni dating First Lady at ngayo’y Ilocos Norte Rep. Imelda Romualdez Marcos.
Matagal na panahon ng pinaghahanap ng PCGG ang mga mamahaling obra na ito—kabilang na ang mga likha nina Van Gogh, Picasso, Monet, Rembrant at Michelangelo—na pinaniniwalaang nabili ni Rep. Romualdez gamit ang salapi ng bayan noong panahon ng diktador niyang asawa na si yumaong President Ferdinand Marcos.
Ang mag-asawang Marcos ay ang mga magulang ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na siyang kumakandidato bilang bise presidente ni Sen. Miriam Defensor Santiago sa 2016 elections, na sa kaniyang plataporma ay kaniyang sinasabi na wala siyang dapat ihingi ng tawad hinggil sa authoritarian rule ng kaniyang yumaong ama mula 1972 hanggang 1986.
Ang mga Marcos, kabilang si Sen. Bongbong, ay pinatalsik mula sa Malacañan Palace matapos ang apat na araw na pag-aalsa ng mga sibilyan at militar sa mas kilalang EDSA Revolution, at itinapon sa Honolulu, Hawaii kung saan sila’y nanirahan ng ilang taon hanggang sa kamatayan ni Marcos noong 1989.
Sa isang post sa PCGG website, sinabi ni Commissioner Andrew de Castro na ang kaniyang opisina ay umaasa na “there would be tipsters who could inform the PCGG about the artworks’ whereabouts as a result of the information posted about them online.”
Bukod sa paghingi ng tulong sa publiko sa paghahanap at pagbawi sa mga mamahaling art collections ng mga Marcos, sinabi ni de Castro na “the PCGG has forged an agreement with international experts about alerting the Philippine government if there’s an attempt to sell any of Marcos’ missing paintings.”
Natukoy na ng PCGG ang daan-daang obrang nawawala dahil ang tanging naiwan lamang ay ang mga resibo at kwadro ng mga naturang art works sa lugar kung saan sila naitago, gaya ng sa Malacañan at sa isang apartment sa New York na pagmamay-ari ng mga Marcos.