MANILA, Philippines – Umakyat na sa anim katao ang biktima ng ligaw na bala kaugnay ng pagdiriwang ng kapaskuhan sa bansa.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesman, Chief Supt Wilben Mayor, lima pa ang nadagdag sa talaan ng mga biktima simula ng ipatupad ang “Ligtas Paskuhan 2015” noong Disyembre 16 hanggang sa kasalukuyan. Ang Ligtas Paskuhan 2015 ay tatagal hanggang Enero 5, 2016.
Kabilang sa mga nadagdag sa talaan ng biktima ng ligaw na bala ay sina Eric del Mundo, 44, tinamaan sa kaliwang hita sa Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City noong Disyembre 22; Ronald Paquinto, 21, nagtamo ng tama ng ligaw na bala sa likod sa Ermita, Manila noong Disyembre 25; Ryan Aspa, 32, ng General Trias, Cavite, nasugatan din noong Pasko sa kaliwang bukong-bukong at Danilo Apulidar ng Bayambang, Pangasinan na tinamaan sa kaliwang hita noong Dis. 24.
Una nang iniulat ng PNP na dalawa ang biktima ng stray bullet kaugnay ng kanilang monitoring na sina Calsum Henio, 3 anyos, nagtamo ng sugat sa tiyan sa Sirawai, Zamboaga del Norte noong Disyembre 16 at Hawati Hanapi, 50, na nasugatan sa kaliwang hita noong Disyembre 20.
Tatlo naman ang naaresto sa illegal discharge of firearms o walang habas na pagpapaputok ng baril na nakilalang sina Willy Talingting, 42, ng Kananga, Leyte na nakumpiskahan noong Disyembre 16 ng isang cal 22 Magnum, apat na bala at dalawang basyo; Felix Cuenca, 27, nasamsaman ng isang cal 9MM, isang magazine at apat na bala at Mariano Alob na iniimbestigahan naman sa pamamaril at pagkasugat ng mga biktimang sina Cornelio Grita at Erlinda Alob noong Disyembre 22 sa Sariaya, Quezon.
Ayon kay Mayor, pito ang naitalang sugatan sa paputok habang nasa 27 ang nasakote sa pagbebenta ng bawal na paputok.
Patuloy naman ang babala ng PNP laban sa illegal discharge of firearms at paggamit ng illegal na paputok at pyrotechnics upang maiwasan na makadisgrasya lalo na ng mga inosenteng sibilyan kaugnay ng pagsalubong sa Bagong Taon.