MANILA, Philippines – Sa kabila ng desisyon ng dalawang divisions ng Commission on Elections na idiskwalipika si Senator Grace Poe sa 2016 presidential election, nanguna pa rin ang anak ni Da King sa pinakahuling survey na isinagawa ng The Standard Poll nitong December 4-12.
Ang survey na isinagawa ng kilalang veteran pollster Junie Laylo ay may kabuuang 1,500 respondents – pawang mga rehistradong botante na may biometrics at sinigurong sila ay boboto sa halalan sa sunod na taon. Ang respondents ay nagmula sa 76 lalawigan at 17 siyudad sa National Capital Region.
Isinagawa ang survey makaraang ilabas ang desisyon ng First at Second Division ng Comelec na nagdidiskwalipika kay Poe sa 2016 presidential race dahil sa isyu ng kanyang citizenship at residency, gayundin ng pagmumura ni Mayor Rodrigo Duterte kay Pope Francis at pag-amin ng alkalde sa pagpatay ng tatlong kriminal sa Davao City.
Sa survey, si Poe ay umarangkada ng 28 percent lead matapos paboran ng respondents kung idaraos ang eleksyon ngayon.