Huling mission order ni PNoy: Payapang 2016 elections
MANILA, Philippines – Nagbigay kahapon ng kanyang huling mission order si Pangulong Aquino sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa huling anim na buwan niya bilang chief executive.
Sa kanyang talumpati sa ika-80th anniversary ng AFP, inatasan ng Pangulo ang mga kasundaluhan na tiyaking magiging matiwasay at matagumpay ang nakatakdang 2016 presidential elections.
Ayon kay PNoy, bilang commander-in-chief, tiwala siya na iisa lang ang kumpas na susundan ng AFP at ito ay gawin ang tama, makatwiran at makatarungang pagseserbisyo para sa ikabubuti ng bayan.
Inihayag ng Pangulo na malinaw ang atas ng mga “boss” nya na patuloy na maglingkod na walang ibang pinapanigan kundi ang taumbayan.
“Sa susunod na taon, nakaatang sa ating balikat ang tungkuling siguruhing magiging matiwasay at matagumpay ang paparating na halalan. Ito na ho ang last mission ko para sa inyo,” pahayag ng Pangulo.
Sa nalalabing 192 araw, binigyang-diin pa ni PNoy na makakaasa ang AFP na dodoblehin nya ang sigasig para masigurong makakamit ng mga Pilipino ang isang bansa na di hamak na mas maganda kaysa dating kalakaran na kanyang dinatnan.
- Latest