MANILA, Philippines – Nagdeklara na kahapon ng 12 araw na unilateral ceasefire ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) laban sa tropa ng gobyerno bilang pagbibigay diwa sa kapaskuhan.
Inatasan ng CPP Central Committee ang lahat ng units ng NPA at mga militias nito sa bansa na obserbahan ang holiday ceasefire mula Disyembre 23 , 2015 hanggang Enero 3, 2016.
Ang hakbang ay upang mabigyang daan ang selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon na tradisyunal na ipinagdiriwang ng milyun-milyong Pinoy. Ang deklarasyon ng komunistang grupo ay pinagtibay ni Luis Jalandoni, Chairman ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) peace negotiating panel na nakabase sa Utrecht, the Netherlands.
Bilang reaksyon, sinabi naman ni AFP Public Affairs Spokesman Col. Noel Detoyato na umaasa ang tropa ng militar na sinsero at hindi palabas lamang ang pagdedeklara ng holiday truce ng CPP-NPA.