MANILA, Philippines – Hindi pa handa si House Speaker Feliciano Belmonte na isuko at ipaubaya sa susunod na Kongreso at administrasyon ang pagpapatibay sa Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ayon kay Belmonte, hanggang may nalalabing panahon ang 16th Congress ay hindi pa rin nito isusuko ang BBL.
Ito ay kahit aminado na ang Speaker na mahirap ng pagtibayin ang nasabing panukala dahil sa masyado ng masikip ang panahon ng kasalukuyang Kongreso.
Bukod dito iba rin umano ang bersyon ng BBL na nasa Senado subalit hiniling umano talaga ni Pangulong Aquino na ilusot ang panukala sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon kaya gagawin nila ang makakaya para dito.
Kaya ang target umano ng Kamara na desididong gawin ay tapusin ang interpellation period sa BBL sa linggong ito para pag resume ng sesyon sa Enero ay maisalang ito sa second reading.
Kaya sa loob umano ng natitirang tatlong linggong sesyon sa Enero bago ang campaign period ay sisikapin umano ng mga kongresista na tapusin din ang period of amendments sa BBL bagamat aminado din si Belmonte na mahaba at masalimuot ito.
Para naman kay Valenzuela Rep. Sherwin Gatchalian dapat ipaubaya na lamang sa 17th Congress ang pagtalakay sa BBL dahil mas realistic umano kung sa susunod na administrasyon ang nasabing panukala.
Duda rin si Gatchalian kung maipapasa ng Kamara ang BBL kahit sa Enero 2016 dahil na rin sa kakulangan ng oras.