Digong-Cayetano: Obrero ilibre sa tax
MANILA, Philippines – Dapat ipatupad ang zero tax sa mga manggagawang Filipino.
Ito ang iginiit kahapon ng tambalan nina Davao City Mayor Rodrigo “Rody” Duterte at Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano na nagsusulong na huwag ng patawan ng buwis ang mga manggagawa na kumikita lamang ng P20,000 kada buwan pababa.
Ayon kina Duterte at Cayetano, isang malaking pahirap para sa mga regular wage earners ang pagbabayad ng mataas na tax.
Sinabi ni Cayetano na bagaman at papalapit na ang Pasko, wala pa ring nakikitang pagbabago ang mga mamamayan sa tax system ng bansa.
Dagdag ni Cayetano, dapat lamang na yong mga maliliit lamang ang kinikita mas maliit na buwis ang bayaran.
Naniniwala rin si Cayetano na babalik rin naman sa gobyerno ang buwis na hindi babayaran ng mga kumikita lamang ng P20,000 pababa dahil lalakas ang purchasing power ng mga ito at makakapag-ambag rin siya sa mas mataas na buwis para sa pamahalaan.
Ang panukala ay magdudulot aniya ng “economic empowerment” para sa mga ordinaryong manggagawa.
Ayon sa National Wages and Productivity Commission (NWPC), ang tinatawag na “family living wage” sa National Capital Region (NCR) ay nasa P917 per day o P27, 510 monthly kaya kulang pa ang P20,000 na buwanang kita ng isang manggagawa lalo na kapag kinuwenta pa ang kinaltas na buwis.
Panahon na anya upang seryosong ikonsidera ng kasalukuyang administrasyon ang kanilang panukala bilang tulong na rin sa mga manggagawang Filipino.
Kahit pa aniya nasa huling mga buwan na lamang ang administrasyong Aquino, hindi pa huli upang magawaan ng paraan ang pagpapababa ng napakataas ng buwis sa Pilipinas.
- Latest