Roxas kay Duterte: Batas, hindi shortcut
MANILA, Philippines – Umiinit ang sagutan sa pagitan ng magkaibigan ngunit magkatunggaling presidentiable na sina dating Interior Secretary Mar Roxas at Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Tinanong ng mga reporter si Roxas kung papaanong lumaki ang sinasabing “myth of Davao” na tahimik at payapa ngunit nailathala sa datos ng PNP na mataas pala ang crime rate sa siyudad, ngunit tumanggi na si Roxas na magkumento dito.
“Siguro kayo na rin sa media ang makakasagot nun, di ba?” pahayag ni Roxas.
Naitanong din ng mga reporter kay Roxas kung napag-usapan ba nila ni Duterte dati ang mga alegasyon na nagdidikit dito sa vigilante group na Davao Death Squad at mga summary executions o bigla na lang pagpatay sa mga pinaghihinalaan pa lamang na kriminal.
Umamin si Roxas na napag-usapan na nila ito dati. “Tinanong ko sa kanya yung mga akusasyon o pahayag na may mga pinatay siya na para sa disiplina. Ang sagot niya sa akin ay wala, wala siyang pinapatay na tao,” kuwento ni Roxas.
Taliwas ito sa pahayag ni Duterte kailan lamang na dadami ang mamamatay kapag maging presidente siya, kasabay ng pag-amin nito na may tatlo siyang taong pinatay sa isang operasyon. “Kusa naman niyang sinabi sa akin na wala siyang pinatay. Sabihin niya ang totoo. Magpakatotoo tayo kasi sa akin at sa iba, sinasabi naman niya na wala siyang pinapatay,” dagdag nito.
Hindi rin daw sangayon si Roxas sa pamamaraan ni Duterte sa peace and order. “Ako ay para sa batas. Hindi ako naniniwala sa shortcut,” deklara ni Roxas. Malaki ang diperensiya nito sa pamamalakad ni Duterte na “shoot to kill” lagi ang utos sa kapulisan kahit snatcher ang pinag-uusapan.
- Latest