KALIBO, Aklan, Philippines – Iginiit ni Liberal Party vice presidential candidate Leni Robredo ang pagbibigay importansiya sa public school teachers at pagbuhos ng pondo sa state colleges at universities (SUCs) para mabigyan ng de-kalidad na edukasyon ang mahihirap.
Sa kanyang pakikipag-usap sa iba’t ibang sektor sa Aklan, kabilang ang mga kabataan, kababaihan, mangingisda at magsasaka, iginiit ni Robredo na dapat matutukan ang dagdag na suweldo at dagdag na benepisyo para sa public school teachers.
“Maliban sa pagtaas ng suweldo, kailangan ng kasunod na package para sa mga teachers para maibsan ang kakulangan sa kanilang benepisyo. Nakausap na po natin ang DBM at mukhang inaayos na po ito,” wika ni Robredo.
Sa mga naunang panayam, nagpahayag si Robredo na dapat may hiwalay na batas na magtatakda ng suweldo ng public school teachers.
Sa ilalim ng hiwalay na batas, magkakaroon ng sariling batayan ng suweldo ang mga guro sa pampublikong paaralan.
Maliban dito, isinusulong din ni Robredo ang pagbuhos ng tulong sa SUCs upang mabigyan ng pagkakataon ang mahihirap na makapagtapos ng pag-aaral upang maiangat ang kalagayan sa buhay.