Cayetano, nilampaso sina Chiz at Bongbong sa Mindanao

Senate Majority Floor Leader Alan Peter Cayetano Senate PRIB/Joseph Vidal

MANILA, Philippines – Nilampaso ni Senate Majority Floor Leader Alan Peter Cayetano ang lahat ng kanyang katunggali sa pagka-bise presidente sa Mindano.

Sa pinakahuling pambansang survey ng Social Weather Stations (SWS) mula Nobyembre 26-28, si Cayetano ang ibobotong Bise Presidente ng mga taga-Mindanao na nakakuha ng 34 porsiyento ng mga boto.

Pumangalawa lamang si Sen. Chiz Escudero na may 26 porsiyento, habang si Sen. Bongbong Marcos ay 15 porsiyento.

Sa pambansang antas, tumitindi ang labanan para sa pagka-Bise Presidente. Ayon sa survey, nakakuha si Cayetano ng 21 porsi­yento. Dahil dito, statistically tied na siya sa ikalawang pwesto kasama ni Marcos, na may 24 porsiyento ng mga boto.

Samantala, muling na­nguna sa SWS survey ang presidential running mate ni Cayetano na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte, na napipisil ng mga botante bilang susunod nilang Pa­ngulo sa eleksyon sa 2016.

Ayon sa survey, 38 porsiyento ng mga respondents, mula sa iba’t ibang social class at bahagi ng bansa, ang pumili sa kanya bilang kanilang susunod na presidente.

Bumisita kahapon si Duterte sa Commission on Elections (Comelec) national office sa Intramuros para sumpaan ang kanyang Certificate of Candidacy.

Sa huling survey tinalo ang dating nangungunang sa mga survey na si Sen. Grace Poe, na nakakuha lamang ng 21 porsiyento.

Sa usapin ng rehiyon, 48 porsiyento ng mga naninirahan sa Metro Manila ay si Duterte ang pinili. Siya rin ang pinili ng kalahati (50 porsiyento) ng mga botante sa Mindanao. Sa Visayas, nakakuha siya ng 44 porsiyento ng mga boto, higit na mataas sa 20 porsiyento ni Liberal Party standard-bearer Mar Roxas na mula sa Capiz.

Show comments