MANILA, Philippines - Umaabot sa 100 naghain ng kandidatura sa pagkapangulo ang idineklarang nuisance ng Comelec first at second division. Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, mula sa 125 na kasong inihain ng Comelec Law department para sa mga nagsumite ng COC sa pagkapangulo, 100 na ang pinaboran ng dalawang comelec division. Dahil dito, 25 na lamang ang dedesisyunan ng Comelec divisions.
Para naman sa pagka-bise presidente, mula sa 13 kasong inihain, siyam ang idineklarang nuisance habang sa pagka-senador na mula sa 129 kaso, 101 na ang dinesisyunan, 96 ang idineklarang nuisance, habang ang apat na petisyon naman ay ibinasura na nangangahulugan na pinapayagan silang tumakbo sa pagkasenador.
Samantala, isang petisyon naman kaugnay ng kandidatura ng isang nagnanais na tumakbo sa pagkasenador ang iniakyat sa Comelec En Banc matapos na humantong ang botohan ng mga myembro ng Comelec division sa tie vote.
Nilinaw naman ni Bautista na hanggang hindi pa pinal ang desisyon laban sa mga idineklarang nuisance candidate ay maari pa ring mapasama ang kanilang pangalan sa balota.