MANILA, Philippines - Malaki ang posibilidad na ipagpaliban ang halalan sa 2016 kung hindi aalisin ng Korte Suprema ang temporary restraining order na inilabas nito laban sa pagpapatupad ng patakarang ‘No Bio, No Boto” ng Commission on Elections. Ito naman ang tugon ni Comelec Chairman Andres Bautista sa TRO na inilabas ng Mataas na Hukuman bago ang deadline na ibinigay sa poll body hanggang December 11.
Ayon kay Bautista, malaki ang epekto ng TRO sa kanilang paghahanda para sa nalalapit na national at local elections.
“Iniisip ko ngang sumulat kaagad sa ating Korte Suprema at hingin nga, ipakita na baka magkaproblema ang halalan kung hindi nila i-lift ang temporary restraining order,” ani Bautista.
Sa katunayan umano ay nais na nilang tapusin sa Disyembre 15 ang listahan ng mga botante. Umaasa sila na maiisip ng Supreme Court ang mga bagay na kanilang pinag-ukulan ng pansin at oras upang matapos sa takdang panahon. Subalit wala naman silang magagawa kung hindi ipatutupad at wala umano silang magagawa kundi ipagpaliban ito.
Nagtaka lamang si Bautista kung bakit ngayon lamang kinuwestiyon ang “No Bio, No Boto” kung kailan malapit na ang halalan.