MANILA, Philippines – Nabuhay ang panawagan na ideklarang election hot spot o areas of immediate concern ang San Jose Del Monte City sa Bulacan.
Ito ay kasunod ng pananambang kay City engineer Rufino Gravador noong Miyerkules ng hapon. Si Gravador ang whistle blower at nagsampa ng kasong graft sa Ombudsman laban kay San Jose Del Monte Mayor Reynaldo San Pedro.
“Matagal na naming hinihiling na ilagay sa areas of concern ang lungsod dahil nga sadyang magulo lalo na kapag eleksyon,” pahayag ni Atty. Elmer Galicia, abogado ni Gravador.
Samantala hiniling na rin ng kampo ng City Engineer ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) upang matutukan ang kaso ng tangkang pagpatay sa kanya.
Ayon kay Atty. Galicia, nakikipag-ugnayan na rin sila sa Department of Interior and Local Government (DILG) upang mas mapabilis ang pagsisiyasat sa insidente.
Sinabi ni Galicia na isinasaayos na rin ang pagbuo ng task force na tututok sa kaso ni Gravador upang matukoy ang tunay na motibo at mga taong nasa likod ng tangkang paglikida sa kanya makaraang ibulgar ang umano’y overpriced na konstruksyon ng city hall sa San Jose Del Monte.
Umaasa anya sila na makukuha ang tulong ng lahat ng law enforcement agency upang agad na maihain ang kasong frustrated murder sa mga sangkot sa insidente.
Una nang sinabi ni Atty. Galicia na isa sa hinala ng kaanilang kampo na may kinalaman sa kasong plunder laban sa alkalde ang pananambang kay Gravador.
Ito ay dahil si Gravador umano ang nakasaksi sa transaksyon para sa pagtatayo ng gusali. Sinabi pa nito na hindi lumagda si Gravador sa resolusyong isinulong ng alkalde para sa pagtatayo ng gusali.