MANILA, Philippines – Kaliwat kanan ang imbitasyong natatanggap ni Manila Vice Mayor Isko Moreno upang sumama sa senatorial lineup ng mga tatakbo sa pagka- presidente at bise presidente sa 2016 elections.
Nabatid na sa pagdalo ni Moreno sa Tan-ok ni Ilocano Festival of Festival sa Ilocos Norte, personal itong ipinakila ni Ilocos Gov. Imee Marcos sa may 60,000 katao na dumalo sa pagdiriwang.
Sinabi ni Marcos na kaibigan at kilala ng kanyang pamilya ang pagkatao ni Moreno kaya’t nararapat lamang na suportahan ito sa kanyang pagtakbo bilang senador sa susunod na halalan. Mainit naman ang naging tugon ng mga dumalo.
Matatandaang inimbitahan din ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte kamakalawa si Moreno na sumama sa kanyang senatorial slate matapos ang deklarasyon nito sa kanyang pagtakbo bilang pangulo sa May 2016 elections.
Samantala, layunin ng Tan-ok festival na maging competitive sa iba pang mga festival tulad ng Maskarra, Sinulog na dinaragsa ng mga turista.
Ayon naman kay Moreno, ang pagpapalakas ng turismo ay pagpapalago ng ekonomiya ng bansa. Naniniwala ito na sa galing at talento ng mga Pilipino mas marami pang maibabahagi sa mga kapwa Pilipino at turista.
Aniya, mas maraming mga kakaibang pagdiriwang ay mas tinatangkilik ng mga turista ang isang bansa.