MANILA, Philippines – Isinulong ni Sen. Bongbong Marcos ang pagtatayo ng isang Special Court na “eksklusibong” didinig sa Maguindanao massacre na ginunita nitong Nobyembre 23.
Ang Maguindanao massacre na pumatay ng 58 katao kabilang ang 32 mamamahayag ay tinaguriang “deadliest single attack on media in the world”.
“Kailangan na ng isang Special Court para mapabilis ang pagdinig sa kaso kasi anim na taon na at talagang mabagal ang usad ng kaso. Sa palagay ko ang isang Special Court na walang ibang hahawakan ay magpapabilis sa usad ng Maguindanao massacre case,” sabi ni Marcos.
Kasalukuyang nakabimbin ang kaso sa Quezon City Regional Trial Court at ang umano’y mastermind na si Andal Ampatuan Sr. ay namatay na dahil sa sakit.
Umaabot sa 197 ang akusado subalit anim na taon makalipas ang masaker ay wala kahit isa sa kanila ang nasentensiyahan. Tuloy, pinapanawan na ng pag-asa ang mga kaanak ng mga namatay na makakamtan pa nila ang katarungan.