MANILA, Philippines – Hinikayat ni Valenzuela Rep. Sherwin Gatchalian ang pamahalaan na palakasin ang kalakalan sa ibang mga bansa at mamuhunan sa mga kagamitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ito ay sa gitna pa rin ng agawan ng teritoryo ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea lalo na at wala pang direktang pahayag ang Estados Unidos na nasa panig ito ng Pilipinas.
Sinabi ni Gatchalian na, kailangang simulan na ng gobyerno ang pagpapalakas sa coast guard at AFP partikular sa Philippine Navy sa pamamagitan ng military hardware, training at recruitment.
Bukod dito dapat rin umanong palawakin ang kalakalan dahil magpapalakas ito sa relasyon sa ibang bansa at sa posisyon laban sa China.
Idinagdag pa ng Kongresista na ang China ang pangalawa sa listahan ng nangungunang trading partners ng Pilipinas noong nakaraang taon sunod sa Japan.
Naniniwala si Gatchalian na hindi magbabanggaan ang US at China sa usapin ng West Philippine Sea dahil may kanya-kanya itong pansariling interes para sa kanilang ekonomiya.