MANILA, Philippines – Namayagpag ang mga maliliit na mangingisda sa Manila Bay sa Roxas Boulevard, partikular ang kahabaan malapit sa breakwater at paligid ng Manila Yacht Club, sa Malate.
Ito ay dahil sa umaga pa lamang nang magsilutangan ang iba’t-ibang uri ng isda na karamihan ay isdang “Banak” kaya hindi na nahirapan ang mga nangingisda sa lugar.
Ilan sa kanila ay may mga dala-dalang net na halos humigit kumulang sa 5 kilo ang nakuha at patuloy pa sa pagsilo sa mga lumulutang na isda.
Mistulang hilong-hilo umano ang mga isda bago ito nakitang patay na lumulutang.
Pinaniniwalaang tulad ng mga nakaraang insidente, na mas mababa ang oxygen level sa bahaging iyon o may oxygen depletion kaya hindi sapat para sila ay mabuhay.
Nabatid na noong Pebrero 16 nang magsilutangan din ang mga isda na nabanggit ding bahagi ng Manila Bay, na may duda ang mga awtoridad na posibleng dulot ito ng pollution sa tubig na ang sanhi ay ang stagnant waters na humalo sa fresh sea water.
Nabatid na ang paligid ng Manila Yacht Club ay may maraming fish fence na pinaghahanguan ng mga alagang isda.
Inaasahang muli itong iimbestigahan ng Bureau of Fish and Aquatic Resources (BFAR) para matukoy ang dahilan ng fish kill.