MANILA, Philippines – Pansamantalang makakatulog at makakahinga nang maluwag ang mga nasa death row sa Indonesia kabilang na ang OFW na si Mary Jane Veloso matapos na ianunsyo ng Indonesian government ang “moratorium of execution”.
Sa magandang balita na ipinarating ng Embahada ng Pilipinas sa Jakarta, mas pagtutuunan muna ng Indonesia na paangatin o palaguin ang kanilang ekonomiya at hindi muna ipaprayoridad ang eksekusyon sa mga nasa death row.
Ikinagalak naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang nasabing hakbang ng Indonesia lalo pa at kasama sa death row ang Pinay na si Veloso na nahatulan ng firing squad dahil umano sa pagdadala ng 2.6 kilong heroin sa Yogyakarta Aiport noong Abril 2010.
Magugunita na ilang minuto lamang bago isalang sa firing squad si Veloso sa execution island sa Nusakambangan, Indonesia noong Abril 24, napigil ang pagbitay matapos na umapela ang Aquino government kasabay ng pangako na huhulihin ng Phl authorities ang sinasabing recruiter ni Veloso sa Pilipinas na si Christine Pasadilla alias Kristina Sergio na lumutang sa himpilan ng pulisya noong Abril 28, 2015.
Sinabi ni DFA Spokesperson Charles Jose na magandang balita ito lalo pa’t pansamantalang “reprieve” o pagpapaliban lamang sa bitay ang ibinigay kay Veloso ng Indonesian government.