‘Insurance pool’ sa kalamidad sa Asia Pacific, giit ipasa sa APEC

MANILA, Philippines - Umaasa si senatoriable Atty. Francis Tolentino na tatalakayin at aaprubahan sa 2015 APEC Economic Leaders Meeting (AELM) ang panukala na magtatag ng “regional insurance pool” para magamit sa pagtama ng mga kalamidad sa mga kaanib na bansa sa rehiyon.

“Ang mga kalamidad ay hindi isolated na pangyayari. Tumatama ito sa isang bansa at maaaring makaapekto sa ekonomiya ng mga kapitbahay na bansa. As members of APEC, from a practical and ethical standpoint, sharing the risks of disasters can only allow us to better respond to them,” ani Tolentino.

Makatwiran umano na mag-ambagan ng pondo ang mga kaanib na bansa ng APEC na magagamit sa oras ng kalamidad na tatama sa isang miyembro. Mababawasan umano nito ang kawalan ng isang bansa sa maagap na pagkukunan ng pondo.

“We have seen from experience, sometimes the losses are so huge they can cripple an economy and affect an entire region,” saad pa nito.

Inihalimbawa pa nito ang isang bagyo na hindi lamang tumatama sa isang bansa ngunit dumaraan sa ilang magkakapitbahay na bansa sa Asya Pasipiko na nagreresulta sa pagbaba ng ekonomiya ng mga ito.

Nabatid na kapwa ang World Bank at Asian Development Bank ang humihikayat sa 21-miyembrong bansa ng APEC na maglaan ng investment sa “ shared disaster risk financing.”

Sinabi ni Richard Poulter ng World Bank, maaaring pagsama-samahin ang pondo ng mga kaanib na bansa at kumuha ng insurance mula sa isang internasyunal na insurance provider.  Binanggit pa nito ang Pilipinas na ginagawa ang naturang hakbang sa ilang lalawigan.

Sinabi pa ni Tolentino na tinalakay na rin ang “regional insurance” sa dalawang araw na APEC meeting sa Bacolod City nitong nakaraang Abril at inaasahang tatalakayin rin sa AELM dito sa Maynila.

Ang rehiyon ng Asya Pasipiko ay tinatamaan ng 60% ng mga kalamidad sa mundo at umaabot na sa US$1.2 Trilyon ang pagkasira sa nakaraang dekada.

 

Show comments