MANILA, Philippines – Muling naglunsad ng malawakang kilos protesta ang United Filipino Seafarers kasama ang mga eksperto sa inhinyero, mga marino at iba pang kaalyado sa harap mismo ng opisina ng Maritime Industry Authority kamakalawa dahil sa kawalang tugon nito sa mga hinaing ng mga marino sa bansa.
Una nang nagsagawa ng malaking demonstrasyon ang UFS laban sa MARINA noong Oktubre 14, 2015 kung saan mariing kinundena ng mga marino ang:
(1) Re-taking ng licensure examination para sa mga marinong hindi nagamit ang kanilang lisensya sa loob ng limang taon o higit pa;
(2) Paggamit ng SIR sheets kapalit ng nakasanayang Seaman’s Identification Record Books na siya namang nagdulot ng kaguluhan at kalituhan sa marami;
(3) Hindi makatarungang pagtataas ng passing average nang hanggang 90 %;
(4) Paglulunsad ng bagong Management Level Course na aabutin ng siyam-siyam bago matapos;
(5) Implementasyon ng MARINA Advisory 2015-20 na nagsasaad na sino mang mayroong BST ngunit walang COP ay sapilitang muling kukunin ang buong kurso;
(6) At ang paggamit ng Daily Journal na hindi lamang dagdag-gastos kundi dagdag-gawain din para sa mga kadete.