Ambag ng rural bank sa kanayunan idiniin ni Leni
MANILA, Philippines - Binigyang-halaga ni Liberal Party Presidential candidate Leni Robredo ang malaking papel ng mga rural bank sa pag-unlad ng kanayunan.
Sa kanyang pagsasalita sa 58th anniversary symposium ng Rural Bankers Association of the Philippines kahapon, sinabi ni Robredo, “Nais naming magtrabaho kasama ninyo sa mga programa at patakaran na magdadala sa atin ng win-win situation kung saan ang rural banks ay handang magpautang sa ating magsasaka, mangingisda, nagtitinda at iba pang maliliit na negosyante na may sapat na kakayahan upang magtayo ng negosyo na mag-aahon sa kanila mula sa kahirapan.”
“Kapag sama-sama, kaya nating umusad at magtrabaho tungo sa isang Pilipinas kung saan ramdam ng lahat ng sektor ang pag-unlad at hindi ng iilan lang. Itatag natin ang Pilipinas kung saan punum-puno ng pagkakataong magtagumpay ang kanayunan,” dagdag pa ni Robredo.
Sa tulong ng rural banks, tiwala si Robredo na lahat ng Pilipino, sa lahat ng bahagi ng bansa at anuman ang estado sa buhay, ay magiging matagumpay, maunlad at mayaman.
Isa sa mga isinusulong ni Robredo ang pagpapaunlad ng kanayunan upang hindi na dumayo pa ang mga mamamayan nito sa Metro Manila para lang magkaroon ng trabaho o ikabubuhay.
“Dapat ang direksiyon ng pamahalaan is to develop the countryside. Kapag binigyan ng mas pantay na opportunity ang mga nasa kanayunan, sigurado akong di magsisiksikan ang mga tao sa Metro Manila,” wika ni Robredo.
- Latest