Emergency Response Department pagtibayin - Cayetano
MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon si Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano na posibleng maulit ang pinsalang idinulot ng super typhoon Yolanda kung hindi magsasagawa ng matinding hakbang ang gobyerno katulad ng paglikha ng Emergency Response Department (ERD).
Ayon kay Cayetano, panahon na upang magtayo ng isang departmento na ang tanging responsibilidad ay tutukan ang paghahanda, pagresponde, relief at rehabilitasyon tuwing may kalamidad.
Naniniwala si Cayetano na ang pagtatatag ng ERD ay makatitiyak na hindi na mauulit ang pagkasawi ng napakaraming Pilipino tuwing may tatamang kalamidad sa bansa.
Ang pagtatatag ng ERD ay nakapaloob sa Senate Bill No. 1940 na pamumunuan ng isang Cabinet Secretary sa sandaling maging batas.
Ikinadismaya ni Cayetano ang hindi pagbibigay prayoridad ng administrasyon sa panukalang batas mula nang inihain ito noong Nobyembre 2013.
“Kailangan na ng matapang na solusyon at mabilis na aksyon para hindi maulit ang trahedya ng Yolanda at ng ibat iba pang mga bagyo’t sakuna. Hahayaan pa ba nating sirain ulit ng isa pang Yolanda ang buhay at kabuhayan ng mga kababayan natin bago tayo kumilos?” tanong ng senador
Ipinaliwanag pa ng senador na bagaman at mayroon ng National Disaster Risk and Reduction Management Council (NDRRMC), ito naman ay binubuo ng iba’t-ibang departamento na nagsasagawa rin ng iba pang trabaho at nagiging aktibo lamang tuwing may kalamidad o trahedya.
Bukod umano sa hindi maayos na sistema, maituturing rin na bigo ang rehabilitation efforts ng gobyerno.
Kinumpirma sa 2014 report ng Commission on Audit (COA) na mahigit sa 1/3 ng P1.15-billion local at foreign cash donations para sa mga biktima ng Yolanda ay hindi pa rin nagagamit.
- Latest