MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista na tuloy pa rin ang implementasyon ng unified vehicular volume reduction program (UVVRP) o “number coding” sa APEC Leaders Summit week sa kabila na idineklara ito ng Malacañang na “holiday”.
Ipinaliwanag ni MMDA Chairman Emerson Carlos na ang hindi pagkansela sa number coding na ginagawa tuwing may holiday ay upang makatiyak na magiging maluwag ang mga pangunahing kalsada para sa mga delegado mula Nobyembre 16-20.
Una nang idineklara ng palasyo na “special non working holiday” ang petsa ng Nobyembre 17-20 habang walang pasok sa mga opisina ng pamahalaan.
Inaasahan naman ng MMDA na sa naturang mga petsa maglalabasan ang mga taga-Metro Manila patungo sa kanilang mga lalawigan upang magbakasyon lalo na ang mga hindi bumisita sa mga namayapa nilang kaanak nitong nakaraang Undas.
Samantala, hinikayat ng ahensya ang mga motorista na tingnan sa kanilang website ang listahan ng mga “alternate routes” na bahagi ng traffic management plan para sa APEC summit.
Kabilang sa planong ipatutupad ay ang paglalaan ng dalawang eksklusibong lanes sa EDSA mula Shaw Boulevard hanggang SM Mall of Asia sa Pasay City na maaari lamang daanan ng mga behikulo ng mga delegado ng summit.