MANILA, Philippines – Nananatili pa ring endemic o kalat pa rin ang sakit na malaria sa lalawigan ng Palawan, kasabay nang pagdiriwang ng Malaria Awareness month ngayong Nobyembre.
Sa ulat ng DOH-MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan), sinabi ni Regional Director Eduardo Janairo na nakapagtala sila ng 345 Malaria cases sa rehiyon mula Enero 1 hanggang Nobyembre 1, 2015.
Ang Palawan ang may highest incidence ng malaria matapos makapagtala ng 336 kaso, kabilang ang limang patay habang may tig-dalawang kaso ang Occidental Mindoro at Oriental Mindoro.
Karamihan aniya sa pinakaapektado ng sakit ay nasa age group na 1-10 years old na may 114 cases, habang marami rin ang nabiktima sa age groups na 11-20 (79 kaso); 21-30 (44); 31-40 (35); 41-50 (35) at 50-pataas (28).
Ayon sa DOH, ang Malaria ay isang sakit na nakukuha ng tao mula sa kagat ng lamok, o infected na babaeng Anopheles mosquito, tuwing gabi. Nakamamamatay ito kung pababayaan kaya’t payo ng DOH na gumamit ng kulambo, mosquito repellants at katol upang di makagat.
Sintomas nito ang mataas na lagnat, panginginig, matinding sakit ng ulo at pagpapawis.
Kung gagamit umano ng kulambo ay dapat na na-spray ito ng insecticide at maglagay ng screen sa mga pinto at bintana upang hindi makapasok ang mga lamok.
Mainam na magsuot ng pantalon, pajama at long sleeves. Importante din ang kalinisan ng kapaligiran na pinamumugaran ng mga lamok.