MANILA, Philippines – Ibinunyag ni Nationalist Peoples Coalition (NPC) Rep. Win Gatchalian na baka pantakip lamang ng mga sindikato sa NAIA ang laglag-bala dahil sa pinapalusot nilang droga sa paliparan.
Ayon kay Rep. Gatchalian, naging mahigpit ang mga Office of Transport Security (OTS) personnel sa pagsuri sa mga bagahe ukol sa laglag-bala pero himalang nakalusot sa X-ray machine ang 2.5 kilo ng cocaine sa bagahe ng 4 na Pinay na naaresto sa Hongkong noong nakaraang buwan.
Giit ni Gatchalian na kandidatong senador ng NPC sa 2016 elections, kung hindi inutil ay maituturing na “stupidity” na hindi nakita sa x-ray machines ng OTS ang nasabing droga gayung nakikita ng mga ito ang ilang maliliit na bala sa mga bagahe.
Kinumpirma naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na naaresto sa HK airport dahil sa bigong pagpupuslit ng 2.5 kilo ng cocaine ang mga Pinoy na sina Sheryl Chua, Marilou Thomas, Remelyn Rogue at isang dentist na nakilala na si Dr. Ana Loella noong Setyembre 26.