CTPL out na, RTPL ipapalit ng LTO

MANILA, Philippines – Naglabas na ng Me­morandum Circular ang Land Transportation Office na lubusang magpapairal ng Reformed Third Party Liability o RTPL na permanenteng magiging kapalit ng kontrobersiyal na Compulsory Third Party Liability o CTPL.

Ang RTPL ang pa­ngunahing requirement para makapagparehistro sa LTO ang mga vehicle owners, pribado man o pampubliko.

Sa Memorandum Circular AVT 2015-1975, iniutos ni LTO Chief, Assistant Secretary Alfonso Tan, Jr. ang pagpapawalang-bisa sa CTPL.

Nakasaad din sa circular ang talamak na problemang dinaranas ng mga vehicle owners sa kasalukuyang CTPL, partikular na ang kawalan ng mga opisina ng mga insurance company at kahirapan sa pagki-claim ng publiko sa tuwing may aksidente.

Magkakaroon na ng standard payment sa RTPL at hindi na aabot sa P980 hanggang P1,200 tulad ng naging kalakaran sa CTPL.

Tiniyak din ng LTO na maiiwasan na ang mga bogus at fly-by-night agency dahil tanging mga malalaking insurance company lamang ang posibleng makasali sa bidding at accreditation process dahil aatasan ang mga ito na maglagak ng P100 million Performance Guarantee Fund.

Sa pamamagitan ng P100 million na naka-trust account sa LTO ay makasisiguro umano ang vehicle owners na may mapagkukunan ng pondo.

Show comments