MANILA, Philippines – Kinasuhan ng arbitrary detention at abuse of authority sa tanggapan ng Ombudsman si dating Justice Secretary Leila de Lima at Immigration Commissioner Siegfred Mison dahil sa umano’y paghuli at pagpiit sa isang Korean trader kamakailan.
Kasama rin sa kinasuhan ng dayuhang si Kang Tae Sik na pangulo ng Jinro Phils, sina Immigration Assistant Commissioners Gilbert Repizo, Abdullah Mangotara, Chief of Staff ni Mison na si Norman Tansingco at Intelligence Chief Carlitos Licas.
Kinasuhan din si Atty. Alex Tan matapos umanong makitang nagmamando sa pag-aresto sa dayuhan kahit hindi ito empleado ng BID.
Nag-ugat ang kaso nang arestuhin si Kang, 71, sa kanyang tanggapan sa Makati at ikulong ng BID intelligence personnel sa bisa ng warrant of Deportation na inisyu ni Mison habang nakabinbin ang deportation case sa DOJ.
Ayon kay Atty. Redentor S. Viaje, abogado ni Kang, malinaw na harassment ang ginawa sa kanyang kliyente sa kabila na wala naman itong kinakaharap na kasong criminal at hindi rin maituturing na ‘fugitive from law.’
Nag-ugat ang deportation order kay Kang dahil sa sumbong umano ng dating abogado nito na si Tan at ni Atty. Roberto Federis sa BID na si Kang ay convicted sa kasong paglabag sa B.P. 22, may 20 taon na ang nakakaraan, at hinatulang mabilanggo ng 10-buwan.
Dahil sa naturang argumento, inutos umano ni de Lima na ibalik ang kaso sa BID para sa re-evaluation nito.
Nagpalabas ng resolusyon ang BID na nag-aatas muli sa deportasyon ni Kang, batay naman ngayon sa kaso ng pagiging “Undesirable Alien”.
Sinabi naman ni Viaje sa kanyang apela na ang bagong order of deportation ay gross violation sa right to due process ng kanyang kliyente, na nananatiling nakabilanggo sa Bicutan jail.