MANILA, Philippines — Aabot sa $60 milyon o halos P2.8 bilyon ang hinihingi ng bandidong grupong Abu Sayyaf kapalit ng paglaya ng tatlong dayuhang bihag nila, ang pinakamalaking ransom na hiningi nila sa mga nakalipas na taon.
Sa kabila nito ay nanindigan ang gobyerno sa “no ransom policy” at tiniyak na gagawin nila ang lahat upang maligtas ang buhay ng dalawang Canadian at isang Norwegian.
Sa nakalap na video ng U.S.-based SITE Intelligence Group, inamin ng Abu Sayyaf na sila ang nasa likod ng pandurukot noong Setyembre 21 sa Holiday Ocean View Marina sa Barangay Camudmud, Samal Island sa Davao del Norte.
Sa kabuuan at apat ang hawak ng bandidong grupo at nakilala ang mga ito na sina Kjartan Sekkingstad (Norwegian), 56; Canadians John Ridsdel, 68, at Robert Hall, 50, at ang Pinay na girlfriend ni Hall na si Marites Flor.
Nagmakaawa na si Ridsel sa prime minister ng Canada at sa kaniyang mga kababayan na tulungan siya dahil delikado ang kanilang kalagayan.
Matapos ang pagdukot noong Setyembre 21 ay nangako ang mga awtoridad na hihigpitan ang seguridad sa bansa, partikular sa Mindanao ngunit tatlong linggo lamang ang nakararaan ay siang dating Italian Catholic missionary ang dinukot sa loob ng kaniyang pizza restaurant sa southern Zamboanga Sibugay province.