Muling pagbubukas ng voters registration depende sa SC – Comelec
MANILA, Philippines — Nakadepende na lamang sa desisyon ng Korte Suprema kung muli nilang papayagan ang Commission on Elections na ibukas muli ang pagpaparehistro para sa eleksyon 2016.
Sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na hindi naman niya maaaring pangunahan ang korte sa muling pagbubukas ng voters registration na natapos nitong Oktubre 31.
"Yung pangungunahan ang SC decision, medyo unlikely... It is rather unlikely that the Comelec comes up with a decision before the SC rules on the case," pahayag ni Jimenez.
Sa inihaing petisyon ng Kabataan party-list sa mataas na hukuman ay nais palawigin ang pagpaparehistro hanggang Enero 8, 2016, ngunit kung si Jimenez ang tatanungin ay hindi ito maganda para sa Comelec.
"May epekto 'yan talaga sa timeline natin. Ang malaking pangamba natin ay 'yung mawalan ng sapat na panahon para mag-prepare para sa mismong halalan," aniya.
"Magkakaroon ng mataas na potential for error, potential for things like insufficient ballots, mis-delivery, kasi hindi nagawa nang maaga 'yung mga allocations, shipping lists... Magkakaroon talaga ng negative domino effect kasi 'yung dapat gawin mo ngayon, hindi mo magawa agad," paliwanag ni Jimenez.
Iginiit ng Comelec na wala nang extension sa pagpaparehistro dahil 17 buwan sila nagbukas para dito, ngunit sa huli ay masusunod pa rin ang desisyon ng korte.
- Latest