MANILA, Philippines – Kumuha si Sarangani Rep. Manny Pacquiao ng mga magagaling na abogado na didipensa sa mga OFW at iba pang biktima ng “laglag bala” gang sa NAIA.
Nanawagan din si Pacquiao, vice chairman ng House Committee on OFW Welfare, sa Malacañang na mabilis na solusyunan ang isyu ng laglag bala na nagiging sanhi ng kahihiyan ng bansa sa international community. Giit ng kongresista, ang nasabing modus ay lubhang nakakasira sa imahe ng bansa kundi pati na rin sa dangal at pagkatao ng mga inosenteng OFWs at iba pang biktima.
Inihalimbawa nito ang kaso ng OFW na si Gloria Ortinez na hindi pinalabas ng bansa dahil sa umano’y pagdadala ng bala sa kanyang travelling bag subalit pinalaya rin pero malaking katanungan kung may babalikan pa itong trabaho at kung sino ang pagbabayarin sa ginawang perwisyo sa kanya.
Hinikayat ni Pacquiao ang mga nagnanais na kumuha ng libreng legal assistance na tawagan si Atty. Jojo Bondoc sa 09209211162.