MANILA, Philippines – Pagpuksa sa matinding gutom at kahirapan ang pangunahing agenda ni Liberal Party (LP) vice presidential candidate Leni Robredo kasama ang pagtataguyod sa karapatan ng mga magsasaka sa buong bansa.
Kapag pinalad na manalo, sinabi ni Robredo na palalawakin niya sa buong bansa ang programa laban sa kahirapan at gutom, na kanyang sinimulan sa kanyang distrito sa Camarines Sur.
Ipinaliwanag ni Robredo ang dalawang aspeto ng kanyang programa – resolbahin ang kagutuman at kahirapan kasabay ng pagtulong sa maliliit na magsasaka sa kanyang distrito.
“Sa programang ito, ang small-scale farmers, sila ang magsu-supply dito sa ating feeding program. Hinahanap po natin iyong mga pinakamahihirap sa ating mga magsasaka at tinutulungan natin sila ng support services,” dagdag pa niya.
Bilang ambag, bibigyan ng pamahalaan ang maliliit na magsasaka ng tulong gaya ng farm inputs at kagamitan, crop insurance at tulong sa pautang na kanilang kailangan para makaahon sa kahirapan.
Naghain si Robredo ng House Bill No. 6062, o kilala bilang “National Food Security Act of 2015,” upang bigyan ng ngipin ang iba’t ibang programa ng pamahalaan ukol sa pagkagutom at malnutrition, na hindi sapat para maresolba ang problema.
“Umaasa tayo na ito’y makatutulong para wakasan ang problema ng kahirapan at kagutuman sa bansa,” wika ni Robredo.