Solon umapela ng ayuda sa magsasaka sa Nueva Ecjia
MANILA, Philippines – Umapela na ng ayuda sa gobyerno si Nueva Ecija Rep. Estrelita Suansing para sa mga magsasaka ng Nueva Ecija na lubhang naapektuhan ng bagyong Lando.
Sinabi ni Nueva Ecija Rep. Estrelita Suansing, kailangan na nila ng ayuda ng gobyerno para sa libreng binhi at abono para makapagtanim na ulit ang mga magsasaka.
Ginawa ni Suansing ang panawagan sa gitna nang pagsugal ng mga magsasaka sa loan sharks matapos mawalan nang kabuhayan dahil sa bahang dulot ng Lando.
Nakiusap rin ang kongresista sa National Irrigation Administration (NIA) na kung maaari ay ilibre muna ang serbisyo ng mga irigasyon sa lalawigan.
Kasabay nito’y, iginiit ng mambabatas ang pagtatayo ng mga dike sa Talavera River at Labong River na mabilis umapaw tuwing malakas ang ulan.
Sabi ni Suansing, taong 2013 pa niya ito hinihirit sa national government subalit hanggang ngayon ay wala pa rin umanong tugon sa kanya.
- Latest