MANILA, Philippines – Ikinakasa na ng Philippine National Police (PNP) ang ipatutupad na mahigpit na seguridad sa mga sementeryo sa Metro Manila kaugnay ng nalalapit na paggunita sa Undas.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, nakatakdang magdeploy ang PNP ng mga operatiba na mangangalaga sa seguridad sa mga sementeryo.
Mahigpit ding babantayan ang bisinidad ng mga simbahan, terminal ng mga bus, daungan at paliparan dahil na rin sa inaasahang pagdagsa ng mga tao na magtutungo sa mga probinsya.
Kabilang naman sa malalaking sementeryo na mahigpit na babantayan ng kapulisan sa Metro Manila ang Manila North Cemetery; South Cemetery sa Makati; Loyola Memorial Park sa Marikina City; Manila Memorial Park sa Parañaque City; Himlayang Pilipino sa Quezon City; The Heritage Park sa Fort Bonifacio, Taguig City; La Loma Cemetery sa Quezon City; Manila Chinese Cemetery at iba pa.
Nakahanda na rin ang mga traffic enforcers ng PNP na magmamando ng trapiko patungo sa malalaking sementeryo sa Metro Manila na dinaragsa ng milyong katao na bumibisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay tuwing panahon ng Undas.
Sa huling linggo ng Oktubre ay imomobilisa na ang Oplan Kaluluwa sa Metro Manila kung saan magtataas ng full alert status ang NCRPO para tiyakin ang seguridad ng mapayapang pagdiriwang ng Araw ng mga Patay.