MANILA, Philippines – Pumalo na sa mahigit P9.4 bilyon ang pinsalang iniwan sa agrikultura at imprastraktura ng bagyong Lando.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council Executive Director Alexander Pama, ang bagyong Lando ay ikinakategorya ng NDRRMC bilang pinakamapaminsala at mapanganib na tumama sa bansa sa taong ito.
Gayunman, higit na mataas ang death toll na nairekord ng mga Office of Civil Defense (OCD) Region 2 at Region 3 gayundin ng PNP sa mga lugar na hinagupit ni Lando na nakapagtala ng 61 kataong nasawi, 104 ang nasugatan at lima pa ang nawawala.
Sa nasabing bilang ay pinakamarami sa Cordillera Region na umabot na sa 21 patay kung saan 15 dito ay bunga ng landslide sa Benguet habang ang iba pa ay pagkalunod.
Sa 104 sugatan, pinakamarami sa Region III na 56.
Sa P9.4 pinsala ng bagyo, nasa P8.4 bilyon sa agrikultura at P1.2 bilyon sa imprastraktura sa Regions 1, 2.3, 4A, 4B, 5 at Cordillera Administrative Region.
Umaabot naman sa 295,835 pamilya o kabuuang 1,047,805 katao ang naapektuhan ng bagyo.
Dalawang lalawigan, isang lungsod at siyam na munisipalidad ang isinailalim sa state of calamity kabilang dito ang Aurora at Isabela; Arayat, Pampanga; Ilagan City sa Isabela ; Supot, Ilocos Sur; Calumpit , Bulacan; Infanta at Gen Nakar sa Quezon; Baler, Aurora; mga bayan ng Camiling at Ramos; pawang sa Tarlac, at Cabatuan, Isabela.