Apela sa Lando victims: Kawad ng kuryente ‘wag gawing sampayan - PNoy

MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon si Pangulong Aquino sa mga biktima ng bagyong Lando sa Casiguran, Aurora na huwag gawing sampayan ng damit ang mga kawad ng kuryente.

“Siguro balikan ko lang ‘yung kanina talaga, nasasa­yangan ako ‘yung mga kawad ng kuryente, nakatabingi ‘yung poste, buo pa ‘yung kawad, ginawang sampayan. Baka naman kapag ‘yung nandiyan na ibabalik, ilalagay na ‘yung kuryente, baka may magsabi, ‘sandali lang tatlong oras pa, hindi pa tuyo ‘yung labada ko,” sabi ng Pangulo sa mga biktima ng bagyong Lando.

Ang bayan ng Casiguran ang piniling puntahan ni PNoy na unang itinakda sa Baler, Aurora matapos batikusin ni Baler Mayor Nelianto Bihasa ang gobyerno na nagkaroon ng pulitika sa pamamahagi ng relief goods nina LP bets Mar Roxas at Camarines Sur Rep. Leni Robredo.

Ayon kay Mayor Bihasa, hindi siya inabisuhan dahil hindi siya miyembro ng Liberal Party.

Sinabi naman ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na direktang ipinamahagi ang relief goods sa mga biktima ng bagyo sa Baler dahil ito raw ang mas importante na makarating sa mga biktima ang relief goods.

Dahil dito, hindi sinilip ni Pangulong Aquino ang nasabing bayan bagkus ay dinalaw nito ang Casiguran at iniabot ang mga relief goods kay Casiguran Mayor Ricardo Bitong na miyembro ng Nationalist Peoples Coalition (NPC).

Show comments