PNoy nanguna sa relief ops sa Lando victims
MANILA, Philippines - Personal na pinangasiwaan ni Pangulong Aquino ang relief distribution at assessment sa bagyong Lando sa pagdalaw nito kahapon sa Cabanatuan City.
Naunang inanunsyo na dadalaw ang Pangulong Aquino sa bayan ng Sta. Rosa, Nueva Ecija subalit dahil sa nakalubog pa ito sa baha ay nakansela ito at sa halip ay binisita ni PNoy ang Cabanatuan City kahapon.
Umabot na sa 4,467 katao na ang nabiktima ng bagyo sa Nueva Ecija, 3,758 dito ay mula sa Cabanatuan, habang nasa 9,800 katao naman ang nasalanta mula sa lalawigan ng Aurora.
Tinatayang aabot sa 4,892 pamilya o 20,492 katao na ang nasalanta ng Bagyong Lando sa mga rehiyon ng Northern Luzon, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa at Cordillera Administrative Region.
Sa datos naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), umabot sa 42,097 pamilya o 203,267 indibidwal ang naapektuhan ni Lando.
Sa kasalukuyan ay 59,159 na ang inilikas sa evacuation centers sa Luzon.
Umabot na rin sa 308 kabahayaan ang nasalanta sa Rehiyong 1,2,3 at Cordillera Administrative Region.
Patuloy na nararamdaman ang epekto ng Bagyong Lando sa Luzon na nagdulot na ng kawalan ng kuryente at pagguho ng lupa sa Northern at Central Luzon kahapon.
- Latest