Kahit sinong manalong presidente ok kay Marcos
MANILA, Philippines – Wala umanong problema kay Sen. Bongbong Marcos kahit pa sino ang manalong presidente sa susunod na taon.
Inamin ng senador na malamang na darating din ang mga pagkakataong maaaring magkaiba ang posisyon niya at ng bagong Presidente sa mga polisiya o programa ng gobyerno.
“Pero kung ang pag-uusapan ay working relationship, sigurado ako na kaya kong maka-trabaho kahit na sino pa ang magiging Presidente,” ani Marcos matapos mag-file ng kanyang certificate of candidacy kahapon.
Bilang bahagi ng Executive Department, dapat lamang na tumulong ang Bise Presidente sa sinumang uupong bagong Pangulo ng bansa, ani Marcos.
“Pero syempre kung Bise Presidente ka, pwede ka ring magpahayag ng iyong opinyon para madala ang anumang programa sa direksyon na sa palagay mo ay tama,” dagdag ng senador.
Sa kanyang pormal na deklarasyon ng kanyang pagsabak sa eleksyon sa 2016 upang tumakbong Bise Presidente noong nakaraang Sabado, sinabi ng senador na ang pangunahing layunin niya ay ibalik ang pagkakaisa ng mga Pilipino.
Ayon pa kay Marcos ang kultura ng awayan sa pulitika na nanaig sa mga nakaraang panahon ay lalo lamang nagdulot ng pagkakawatak-watak sa mga Pilipino.
“Okay lang na magtagisan ang mga pulitiko hanggang sa araw ng eleksyon. Pero pagkatapos hindi na dapat lumawig ito at dapat isantabi para atupagin naman natin ang ating national interest—hindi para sa partido, hindi para kaninuman, kundi para sa kapakanan ng bayang Pilipinas,” ani Marcos.
- Latest