Sabi ng law experts Junjun puwede pa ring tumakbo
MANILA, Philippines – Ilang mga eksperto sa batas ang nagsabi na maaari pa ring kumandidatong muli sa darating na halalan ang nasuspindeng si Makati Mayor Junjun Binay at magsampa ng certificate of candidacy kahit nagpalabas ng kautusan ang Ombudsman na nagdidiskuwalipika sa kanya habambuhay sa paghawak ng posisyon sa pamahalaan.
Sinabi nina dating Comelec Chairman Sixto Brillantes, dating University of the East law dean Amado Valdez, dating UP law dean Pacifico Agabin at veteran election lawyer Romulo Macalintal na hindi pa pinal ang desisyon ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales at maaari pang isailalim sa judicial review bago ipatupad.
Sabi ni Brillantes na maaaring magsampa si Binay ng motion for reconsideration sa Ombudsman. Kapag natalo ito, maaaring maghabol sa Court of Appeals ang natanggal na alkalde ng Makati at hanggang sa Supreme Court.
“Kaya kapag nag-file siya ng COC this week, okay lang iyon. Tatanggapin iyon ng Comelec. Hindi nila puwede tanggihan iyon,” sabi ni Brillantes.
Bukod dito, sinabi ni Brillantes na, bagaman “immediately executory,” hindi pa maipapatupad ang kautusan ng Ombudsman dahil nagsisilbi pa si Binay sa isang anim na buwang suspension kaugnay ng isang hiwalay na kaso sa umano’y iregularidad sa pagpapagawa ng Makati City Science High School. Ipinalabas ang preventive suspension noong Hulyo at matatapos sa Enero 2016.
Ipinaliwanag ni Brillantes na, kapag natapos ang suspension kay Binay, doon pa lang ito madidismis sa serbisyo.
Ayon naman kay Valdez na presidente ng Philippine Association of Law Schools, ang kautusan ng Ombudsman ay hindi pumipigil kay Binay sa pagkandidatong alkalde.
Kinuwestyon din ni Valdez ang kapangyarihan ng Ombudsman na magpataw ng parusang perpetual disqualification. Ang Sandiganbayan lamang ang maaaaring makapagpatupad nito dahil penal in nature ang perpetual disqualification.
Sa parte naman ni Macalintal, maaaring maghain ng COC at tumakbo si Binay dahil ang desisyon ng Ombudsman ay hindi pa pinal.
“He could file a motion for reconsideration and appeal to Court of Appeals if the MR is denied,” wika niya.
“Kapag halimbawa sinustain ng CA ang dismissal, puwede pa rin iakyat ni Binay sa Supreme Court ang kaso.”
- Latest