MANILA, Philippines – Pormal na nagpahayag ng suporta sa kandidatura sa pagka-presidente ni Vice President Jejomar Binay ang pambansang pangulo ng Federation of Free Workers na merong mahigit 200,000 miyembro.
Sinabi ni FFW President Sonny Matula sa isang pahayag na matagal nang kilala si Binay bilang isang abogadong maka-manggagawa at tumutulong sa mga karaniwang manggagawa bago pa ito nagtrabaho sa gobyerno.
“Matagal nang kaibigan si Binay ng mga manggagawa at ng mga unyonista dahil sa pagtatanggol niya sa mga ito sa iba’t-ibang kaso ng mga ito tulad ng sa pagpapabuti ng kanilang kalagayan sa trabaho at pagtatanggol sa kanilang mga karapatan,” paliwanag ni Matula.
Naging abogado rin anya si Binay ng mga biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng batas militar.
Idinagdag niya na, sa mga presidentiable, si Binay lang ang merong malinaw na mga programang panglipunan at pangmanggagawa.
“Hindi pa rin napapantayan ng ibang pamahalaang lokal ang mga programa niya para sa mamamayan ng Makati,” sabi pa ni Matula.
Idiniin pa ni Matula na, noong si Binay pa ang Presidential Adviser on OFW Concerns, direkta nitong tinutulungan ang libu-libong Overseas Filipino Worker sa ibayong-dagat at sinugpo ang human trafficking at nagbigay ng kanlungan sa mga inabusong kasambahay na Pilipina rito sa Pilipinas at sa ibang bansa.
Sa plataporma anya ng partido ni Binay, sentro ng kanyang adbokasiya ang paglikha ng mga trabaho sa pamamagitan ng pagbuhay sa agriculture at manufacturing at pagsulong sa turismo.
Sinabi pa ni Matula na ibinigay niya ang kanyang suporta kay Binay hindi lang sa kandidatura nito kundi para na rin sa pagbuo ng isang programang pangmanggagawa na magbibigay ng maraming trabaho at ibayong isulong ang disenteng trabaho at disenteng buhay para sa lahat.