MANILA, Philippines – Kasabay ng paghingi ng sorry dahil sa kontrobersyang idinulot ng pagsasayaw ng grupong “Playgirls”, hiniling ni MMDA Chairman Francis Tolentino na huwag na siyang isama sa senatorial line-up ng Liberal Party (LP) para sa 2016 elections.
“Ipinaabot ko sa Partido Liberal na alisin na ang pangalan ko sa ikino-consider nilang line up sa pagka-senador sa 2016,” sabi ni Tolentino.
“Hindi ko nakontrol, hindi ko napigilan ang naturang insidente na sa aking paniniwala at sa paniniwala rin ng iba ay ginagawa araw-araw sa harap ng milyon-milyon sa telebisyon,” pag-ako niya sa responsibilidad.
Humingi rin ng paumanhin si Tolentino sa grupo ng mga kababaihan na nainsulto at nalaswaan sa programa gayundin sa pamilya ni Laguna Rep. Benjamin Agarao.
Sabi pa ni Tolentino, maging ang kanyang ina ay nasaktan dahil sa insidente.
Hindi rin anya dapat madamay si Mar Roxas at ang buong Liberal Party sa insidente.
Hindi naman binanggit ni Tolentino kung tuluyan na siyang aatras sa pagtakbo sa pagkasenador.
Samantala, nagsumite na rin si TESDA director-general Joel Villanueva ng kanyang resignation letter kay Pangulong Aquino matapos niyang inanunsyo kamakalawa ang kanyang planong tumakbo sa darating na 2016 senatorial race.