MANILA, Philippines – Rescue them alive!
Ito ang mariing direktiba ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Hernando Iriberri sa tropa ng militar kaugnay ng patuloy na search and rescue operations sa tatlong banyaga at isang Pinay na binihag noong Setyembre 21 ng gabi ng taong ito sa Island Garden City of Samal, Davao del Norte.
Sinabi ni AFP Spokesman Col. Restituto Padilla, nag-iingat sa pagkilos ang tropa ng militar upang walang maging ‘collateral damage ‘ at huwag mapahamak ang mga hostages.
“Our primordial concern was the safety of the hostages“, ani Padilla na siyang direktiba ni Iriberri sa tropa ng mga sundalo na nagsasagawa ng rescue operations.
Kabilang sa mga bihag ay ang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad, 56; Manager ng Holiday Oceanview Resort; mga Canadian na sina John Ridsdel, 68 at Robert Hall, 50 gayundin ang Pinay na si Maritess Flor.
Ang mga ito ay hinostage ng mga armadong kalalakihan matapos na salakayin ang Oceanview Resort sa Island Garden of Samal.
Sinasabing maysakit si Ridsdel at mahina ang katawan nito bunga ng may edad na at bukod rito ay maraming kumplikasyon ang kaniyang karamdaman.
Una nang sinabi ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte base umano sa kaniyang impormasyon na nailipat na ng mga kidnapper ang mga hostages sa kamay ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Sulu.
Samantalang , kinumpirma rin ng grupo ni Moro National Liberation Front (MNLF) Chairman Nur Misuari na naispatan ng kanilang mga asset ang mga bihag sa kuta ng isang Abu Sayyaf Commander sa lalawigan ng Sulu.
Aminado naman si Col. Noel Detoyato, Chief ng AFP Public Affairs Office na bagaman may impormasyon ang militar kung saan dinala ang mga bihag ay hindi muna ito maaaring isapubliko dahilan baka mabulilyaso ang rescue operations.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang pinalawak na search and rescue operations mula sa hurisdiksyon ng AFP-Eastern Mindanao Command (AFP-Eastmincom) sa Davao Region hanggang AFP-Western Mindanao Command (AFP-Westmincom) sa Zamboanga hanggang sa BASULTA (Basilan, Sulu at Tawi-Tawi) na pinamumugaran naman ng mga bandidong Abu Sayyaf Group.