‘Sexy show’ ng Solon binira malaswa ‘hate’ ni PNoy
MANILA, Philippines - Mismong si Pangulong Benigno Aquino III ay hindi pabor sa kalaswaang ginawa ng mga babaeng dancer na kinuha at iniregalo umano ni Liberal Party senatorial candidate at MMDA Chairman Francis Tolentino sa birthday party ni Laguna Rep. Benjamin Agarao.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, hindi kinukunsinti ng Malacañang at ni Pangulong Aquino ang mga kalaswaan sa paggamit sa mga kababaihan bilang regalo at sexual object.
Ang grupong ‘Playgirls’ ay nagsayaw sa mismong kaarawan ni Rep. Agarao matapos ang oath-taking ng mga local officials sa LP na mismong si standard bearer Mar Roxas ang nanguna.
Sinabi ng emcee na ang ‘mainit’ na pagtatanghal ng mga dancers ng “Playgirls” ay handog ni Chairman Tolentino pero itinanggi naman ito ng MMDA chairman.
“Women are not objects to be given away as gifts during celebrations. The President has always stood firm against the exploitation of women and will not condone such displays of disrespect,” wika pa ni Usec. Valte.
Dahil din dito, inulan ng pagbatikos ng mga netizens at Gabriela ang nasabing malaswang pagtatanghal ng “Playgirls” .
Samantala, pinaiimbestigahan na ng pamunuan ng Liberal Party (LP) ang malalaswang pagsayaw ng kababaihan sa birthday party na kumalat sa social media.
Sa ipinadalang statement ni LP standard bearer Mar Roxas, ikinalungkot nito ang paglabas ng video at mga larawan na nagsasayaw ang grupong “Playgirls” sa pagdiriwang ng kaarawan ni Agarao subalit hindi umano dapat na pumasok sa anumang ganitong uri ng gimik ang kanilang mga kapartido.
Subalit nilinaw ni Roxas na wala na siya sa nasabing pagtitipon nang sumayaw ang nasabing mga kababaihan kaya hindi dapat isinasabit ang kanyang pangalan dito.
Iginiit pa nito na mariing pinagbabawal ng kanilang partido ang paggamit sa ganitong uri ng pagsasamantala sa mga kababaihan bilang gimik sa kanilang kampanya.
Sinabi naman ni Agarao na handa siya sa anumang imbestigasyong isasagawa ng LP at inaako na nito ang iskandalong nangyari sa kanyang birthday party kaya umapela ito sa huwag ng idamay sa isyu ang kanilang standard bearer na si Roxas at Tolentino.
Nilinaw pa ng kongresista na nasingitan lamang ang selebrasyon ng kanyang kaarawan at humingi ito ng paumanhin sa kanyang mga kababayan gayundin sa grupo ng mga kababaihan.
Para naman kay House Majority leader Boyet Gonzales, may iba naman paraan para imbestigahan nila sa Kamara ang nasabing insidente.
Maging si Senate President Franklin Drilon ang kumondena sa malaswang palabas sa naturang okasyon.
Ayon kay Drilon, vice chairman ng LP nalungkot at nadisyama siya sa nasabing insidente at hindi niya ito kukunsintihin. Malou Escudero
- Latest