MANILA, Philippines - Binubusisi na ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang umano’y pag-upa ng lupain ni dating LTO Chief Virginia Torres sa Hacienda Luisita.
Ayon kay DAR Asst. Secretary Justin Vincent La Chica, mali at ipinagbabawal ng ahensiya sa mga beneficiaries ng Hacienda Luisita na ipagamit o paupahan sa iba ang mga lupaing ibinigay sa kanila sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program.
Sinabi ni La Chica na kung sakaling mapatunayan sa imbestigasyon na pinagamit kay Torres ang nasabing lupain, agad silang aapela para kanselahin sa beneficiaries ang lupang ibinigay sa kanila ng DAR.
Anya, sa ngayon ay hindi pa nila alam kung may lupa ngang inuupahan si Torres sa Hacienda at malalaman lamang nila ito kapag panahon na ng pag-aani ng tubo dahil sa panahong iyon makikita nila kung sino ang mga namuhunan doon.
Samantala, sinabi ni Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator Regina Martin, sa kanilang pagkakaalam umaabot sa 120 hectares ang sinasabing inuupahan ni Torres sa Luisita.
Pero nagpapatuloy din umano ang kanilang imbestigasyon kung tunay ngang inuupahan ito ni Torres o pumasok ito sa isang joint venture.
Kinumpirma naman ni Martin na may permit si Torres para makipag-trade ng domestic sugar, pero wala silang pinapayagan na mag-angkat ng asukal.