‘Senate 5’ pinayuhan na huwag magsiraan
MANILA, Philippines – Pinayuhan kahapon ni Sen. Ralph Recto ang 5 kasamahang senador na maglalaban-laban sa dalawang pinakamataas na puwesto sa bansa na huwag magsisiraan at pairalin at alalahanin ang pagkakaibigan.
Tinawag ni Recto ang limang kasamahang senador na “Senate 5” na kinabibilangan nina Senators Grace Poe, Francis “Chiz” Escudero, Alan Peter Cayetano, Ferdinand “Bongbong” Marcos at Antonio Trillanes IV.
Ipinaalala ni Recto na naging magkakasama ang lima sa iisang kuwarto at naging magkakatabi sa upuan at magkakasamang kumain sa Senate lounge kaya dapat pairalin ang “civility” at huwag itapon ang pinagsamahan.
“You’ve been in the same room for quite some time, seatmates even, you chair hearings together, you eat together in the lounge. So I don’t think civility will be thrown out of the window once the official campaigning starts…Familiarity should breed friendship, not contempt,” ani Recto.
Sinabi pa ni Recto na naniniwala siyang hindi dapat matapos ang pagkakaibigan ng mga senador dahil lamang sa nalalapit na eleksiyon lalo pa’t muli silang babalik sa Senado pagkatapos ng halalan.
Puwede naman aniyang maging magkakasalungat ang magkakalaban pero hindi dapat magsaksakan sa likod at siraan ang katunggali.
Tiyak na ang pagtakbo bilang pangulo ng bansa ni Poe samantalang inaasahang maglalaban-laban sa puwesto ng bise presidente sina Escudero, Cayetano, Trillanes at Marcos bagaman at hindi pa nagdedeklara ang huli.
- Latest