Cayetano for VP: Nagdeklara sa balwarte ni Duterte
MANILA, Philippines – Nagdeklara na kahapon na tatakbong bise presidente ng bansa sa susunod na taon si Senator Alan Peter Cayetano.
Ginawa ni Cayetano ang deklarasyon sa isang press conference sa Grand Men Seng Hotel sa Davao City na balwarte ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Unang pinasalamatan ng senador ang Diyos na may plano umano sa bawat isa bagaman at kadalasang hindi natutupad dahil sa kakulangan ng pagkilos ng tao.
“Unang una ang buong pusong pagpapasalamat sa Diyos! Maganda ang plano sa atin ng Panginoon. Mayaman ang ating bansa. ?Magaling ang Pilipino, kilala at tanyag sa buong mundo. Ngunit kadalasan, ang kaganapan ng plano ng Panginoon ay hindi nangyayari dahil tayo mismo, kulang ang pagkilos para mangyari ito,” pahayag ni Cayetano.
Ayon kay Cayetano sa Davao City at sa Taguig City kung saan siya nakatira ay makikita ang pagbabago dahil malinaw umano ang mga polisiyang ipinatutupad.
“Dito sa Davao City, sa Taguig City, at sa buong bansa, nakikita natin ang pagbabago at progreso kapag ipinaglalaban ang tama, ipinagbabawal ang korapsyon. Malinaw ang polisiya at nagpatupad ng disiplina,” ani Cayetano.
Hindi naman binanggit ni Cayetano kung sino ang magiging kandidato niya sa pagka-presidente o kung iniaalok niya ang sarili kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte na nililigawan pa ng kanyang mga supporters na tumakbong pangulo ng bansa.
Inamin ni Cayetano na nagkaroon siya ng pagkakataon na makausap si Pangulong Benigno Aquino III at ipinaalam niya dito na kaisa siya sa paglaban sa katiwalian.
Naibahagi ko na kaisa niya ako laban sa korapsyon at mga reporma sa gobyerno. Naipapakita ko din na sa Senado, 90 percent (nobenta porsyento) ng kanyang programa ay nasuportahan at naipaglaban ko,” ani Cayetano.
Inihayag rin ni Cayetano na naniniwala siyang dapat maipatupad sa buong Mindanao ang isang batas na katulad ng Bangsamoro Basic Law at hindi lamang para sa mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ipinahiwatig rin ni Cayetano ang pagsuporta sa Federalism na isinusulong rin nina Senator Koko Pimentel at Duterte.
- Latest