MANILA, Philippines – Nais ni Senator Miriam Defensor-Santiago na imbestigahan muna ng Senado kung ano na ang nangyari sa libreng WI-FI project ng Department of Science and Technology (DOST) na ipinangakong matatapos sa Disyembre bago ibigay ang hinihinging karagdagang pondo ng ahensiya.
Ang nationwide free Wi-Fi project ay nagkakahalaga ng P3 bilyon. Nakaprograma ngayong taon ang inisyal na pondong P1.4 bilyon pero humihingi muli ang DOST ng karagdagang P1.6 bilyon na nakapaloob sa kanilang panukalang P17.8-bilyong pondo para sa 2016.
Nakatakdang humarap sa Senado ang mga opisyal ng DOST para sa pagdinig ng pambansang budget ng ahensiya sa Okubre 6.
Balak ni Santiago, awtor ng “Magna Carta for Internet Freedom” na maghain ng isang resolusyon sa Lunes upang hilingin sa mga kasamahang senador na imbestigahan ang Information and Communications Technology Office (ICTO) ng DOST na ayon sa Commission on Audit ay nag underspent ng nasa P827.6 milyon noong 2014.
Kinuwestiyon ni Santiago ang kakayahan ng ahensiya na magpatupad ng P3 bilyong halaga ng proyekto ngayong taon matapos mabigong ipatupad ang ilang proyekto na wala pang P1 bilyon ang halaga noong 2014.
Sinabi ni Santiago na tiyak na magugustuhan ng mga Filipino na mahilig mag internet ang libreng WI-FI pero hindi aniya tiyak kung kaya ng DOST na tuparin ang kanilang pangako.